Wednesday, November 12, 2008

Unang Liwanag

Unang silay sa liwanag ay trenta y sais na ang nakalipas. Unang lalaking supling ng magkabiyak sa anim na mga malulusog na mga bata. Hindi madapuan ng lamok o anumang insekto dahilan sa abot kayang pagkalinga ng mga magulang. Damdamin ng nakararaming magulang.

Ano ang aking landasin? Hindi na katanungan para sa aking ama at ina. Sa kasabikan na magkaroon ng anak na lalaki, mga magulang ay walang pagod sa panalangin sa Poon na Maykapal na sila ay pagbigyan.

Aking inang, humiling ng anak na lalaki sa panata, bilang pagtugon sa biyaya ng Diyos, ako ay inihandog na maging isang Ministro ng Panginoon.

Nag-aral na matalino kung saan ang ilan sa mga kapatid ko ay naging klasmeyt ko. Ikinatuwa at kinaingitan sa mga parangal na tinanggap.

Lumaki sa piling ng mga kapatid na mga babae, kalaro sa bahay-bahayan, "jack stone", "pick-up sticks", minsan binibihisan ng damit pambabae at nag-aalaga ng baby-manika.

Mas gusto ko ang outdoor, gusto ko ng holen, text cards, tumbang preso, luksong baka at patintero.

Laruang bili ni amang, di gaanong pansin, match box, baril-barilan, Game & Watch at mumurahing "Lego" pangkaraniwan kong nakikita na laruan ng aking mga klasmeyt sa elementarya, subalit walang saya o interes na nararamdaman. Gusto ko ang maraming kalaro, may koponan, may nanalo at may natatalo. Mas masaya pag kami ang panalo.

Sumasama nuong una sa basketball team para mag water boy, sa kalaunan naging player din. Unang team na nasalihan ay Mini Division.

Nasa unang baitang, tuwang-tuwa dahil sa matataas na marka na nakuha, ngiti ko ay napalitan ng lungkot at luha, "nasaan si inang?," tanong ko. Malayo na ang inang pabalik sa kanyang mga magulang. Hiwalayan blues ng mag-asawa.

Nabuhay na parang walang nabago sa bahay. Laro sa kapit-bahay, laro sa eskuwelahan, nalibang at hindi alam ang pagbabago sa sarili ko o epekto ng walang inang gumagabay.

Masungit at striktang tiyahin na kapatid ni amang pumalit sa tungkulin ni inang.

Sa kalaunan, si inang ay nagbalik sa akala ay palagian. Kasama si amang, madalas kaming namamasyal, sa Wild Life, Fiesta Carnaval at mga parke, wala kaming muwang sa masinsinan nilang pag-uusapan. masisnsinang nag-uusap. "Sana magkabati na sila," hiling naming magkakapatid,
habang patuloy sa mga paglalaro,

Lulan ng barko, tanong ko kay inang, "saan po ang paroroonan natin?" "Sa probinsiya," tugon niya.

Masaya habang papalayo sa Maynila, "magkakasama na uli kami ni inang..." bulong ko sa sarili ko.

(Kinumpuyeter sa Khong's Internet Cafe, anyo dos mil otso, Nobyembre trese, alas nuebe singkuwenta y otso.)




No comments: